My Christmas Star (A Short Story)

1009923_1528866647411904_3771553689044368008_n.jpg


Naglalakad ako sa daan. Mabagal. Tinitingnan ang mga taong may ngiting nakaguhit sa kanilang mga labi.

Malapit na pala ang Pasko. Busying-busy ang mga tao ngayon. May labas-pasok sa mga malls na nadadaanan ko. Lahat sila excited. Pwera ako.

Labindalawang araw na lang pala at Pasko na. Labindalawang araw na lang, kapanganakan na niya. At labindalawang araw na lang... kamatayan ko na.

Kani-kanina lang, napag-alaman kong sa araw mismo ng Pasko, ang huling araw ko sa mundong 'to. Di ko akalain na tatamaan ako ng isang malalang sakit na papatay sa akin. Di ko akalain na ako pa. Ano bang ginawa ko at pinaparusahan ako nang ganito?

Tinitingnan ko ang bawat taong nakakasalubong ko. Baliw na siguro ako para sa kanila. Umiiyak ako, yun ang nakikita nila. Pero di nila alam kung bakit.

Mahirap!

Masakit!

Gusto kong sumigaw! Gusto kong magwala!

Tumakbo na lang ako. Gusto kong mapag-isa. Dahil sa nalaman ko, mas lalo akong nawalan ng pag-asang mabuhay.

Iniwan ako ng mga magulang ko. Trinaydor ng sariling bestfriend at boyfriend ko. At... at... ngayon naman… tinalikuran na rin ako ng sarili kong katawan.

Huminto ako nang napagod na ako sa kakatakbo. At dun ko lang namalayan na napahinto pala ako sa gitna ng tulay.

Naisip kong tumalon na lang para matapos na lahat ng paghihirap ko. Pero may pumipigil sa akin. Hindi ko alam kung ano.

Pero wala na ang lahat sa akin. Wala na. Kaya ano pang saysay ng mabuhay pa ako?

Kaya tumapak ako sa itaas ng tulay. Desidido na ako. Alam kong isa itong malaking kasalanan. Ang magpakamatay. Pero di niyo ko masisisi. Hindi madali ang pinagdaanan ko. Kaya karapatan ko namang maranasang maging payapa di ba kahit alam kong kamatayan ko ang kapalit? Ayoko nang hintayin pang ang sakit ko ang tatapos sa akin.

Pumikit ako at tumalon na.

Paalam Iyon na lang ang nasabi ko pagtalon ko.

Pero sumagi sa isip ko ang mga nangyari sa buhay ko. Lahat ng paghihirap at sakit na naramdaman ko.

Pero isang alaala. Isang alaala ng isang lalaki. Ang nag-iisang taong laging nasa tabi ko para damayan ako. Siya ang gumagawa ng paraan para mapasaya ako.

Bakit?

Bakit ngayon pang huli na ang lahat?

Habang nakapikit ako, narealize kong… mahal ko pala ang lalaking yun. Matagal na. Mahal ko pala si Xyran.

Ilang sandali na ang lumipas pero bakit wala akong naramdamang nalunod ako? Patay na ba ako? Hindi ko man lang namalayang nalunod na pala ako dahil sa mga naisip ko.

Pero mali pala ako. Binuksan ko ang mga mata ko. At dun ko nakitang may isang lalaking nakayakap sa akin. Nasa itaas pa rin ako ng tulay.

Naramdaman siguro ng taong yumakap sa akin na tinitigan ko siya. At di ko akalaing… siya pa. Bigla na lang tumulo ang luha ko. Masaya ako dahil iniligtas niya parin ako. Iniligtas ako ng mahal ko.

''Xyran'', lumuluha kong sabi habang nakatitig sa kanya. Kitang kita ko ang pag aalala sa mukha niya.

Ang kaninang kawalan ko ng pag-asa, nabura lahat sa isip at puso ko. May isa pa pala akong rason para mabuhay pa kahit labindalawang araw na lang.

May sinasabi siya sa akin pero di ko maintindhan. Ang pumapasok lang sa utak ko ay yung katotohanang nandito siya sa harapan ko at niligtas niya ako. Sinisigawan sa kabila ng hindi ko gaanong pag-intindi nun dahil ang buong atensyon ko ay nakatuon lamang sa katotohanang nakalimutan ko, na narito pa pala siya at handang damayan ako. Handang pagalitan ako dahil sa mga maling desisyon ko.

Bigla na lang niya akong hinila at niyakap. Doon ako tuluyang nagising sa malalim na pag-iisip. Hindi ko magawa man lang lumuha sa kabila ng pamumuo ng luha sa mga mata ko. Tila ba pinipigilan ng kakaibang damdamin sa puso ko ang pag-agos ng malulungkot na luha, pinupunan ng saya ang buong katawan ko.

''Huwag mo nang gagawin yun, Xyra. Never. Di ko kayang mawala ka. Kaya please. Nandito naman ako. Hindi kita pababayaan. Dahil mahal kita", sabi niya nang hindi pa rin humihiwalay sa akin.

Umuwi na rin kami pagkatapos kong sabihin sa kanyang mahal ko rin siya.

Dumaan ang mga araw. Malapit na. Malapit na kong mawala. Pero hanggang ngayon di ko pa rin nasasabi sa kanya ang tungkol sa kalagayan ko. Ayokong makita siyang malungkot at nasasaktan. Masayang masaya siya ngayon at ayokong palitan iyon.

Pero alam kong naghihinala na rin siya. Dahil isang beses niya akong nahuling sumuka ng dugo. Sobra siyang nag alala nun pero ang sabi ko ay okay lang ako. Na may nakain lang akong pagkain na kulay pula at hindi iyon dugo. Ang galing ko ring mag dahilan. Tumango na lang siya pero alam kong hindi siya kumbinsido. Namumutla na rin ako at nanghihina. Alam kong napapansin niya rin iyon.

Pero sa di inaasahang pagkakataon, habang naghuhugas ako ng mga pinggan, bigla na lang nandilim ang paningin ko.

Pagkagising ko, nasa isang putting kwarto na ako at nakahiga. Hospital.

Ginalaw ko ang kamay ko pero may mabigat na bagay dito. Kamay ng isang tao. Kamay ni Xyran.

Gumalaw siya at nagising yata. Agad kong pinikit ang mga mata ko at nag aktong natutulog pa rin. Nakatitig siya sa kin. Ramdam ko yun.

''Alam kong gising ka na'', malamig niyang sabi.

Minulat ko na lamang ang mga mata ko. Oras na siguro para malaman niya ang lahat. Alam kong habang natutulog ako sa kamang ito, sinabi na ng doktor ang tungkol sa sakit ko. At alam ko rin na kailangan kong magpaliwanang sa kanya.

Sinabi ko sa kanya ang lahat. Umiiyak ako habang sinasabi sa kanya lahat. Hindi na rin niya kinaya at pareho na kaming dalawa na nababasa na ang mga mukha dahil sa luhang tumutulo galing sa aming mga mata.

Di niya tanggap ang mga nagyari sa kin. Ang sakit! Ang sakit-sakit na makitang nasasaktan siya dahil sa akin.

Problema nga talaga ako.

Ayoko nito. Ayokong nakikita siyang nasasaktan. Pakiramdam ko, napakasama kong tao.

Maya-maya lang, huminto na siya sa pag iyak. Pero alam kong nasasaktan pa rin siya.

''Pasensya na kung nadamay ka pa sa problema ko. Hindi ko sinasadyang masaktan kita.Yun ang pinakahuling bagay na gagawin ko'', sabi ko sa kanya na hindi pa rin humihinto sa paghikbi.

Hinawakan niya ang kamay ko at nilagay sa mukha niya. Pumikit siya at tumulo ulit ang luha niya. Ang sakit! Ang sakit makitang nahihirapan siya.

''Huwag mong sabihin yan. Makakaya mo to lahat. Magtiwala ka lang ha? Please lumaban ka. Di ko kayang mawala ka'' pakiusap niya sa akin.

Ngumiti lang ako sa kanya nang mapait at pumikit. Ayokong sumagot sa kanya dahil alam kong hindi niya magugustuhan ang sagot ko. Naramdaman siguro niyang pagod ako kaya hinayaan na lamang niya akong magpahinga.

Bisperas na ng Pasko. Malapit na talaga.

Lahat ay naghahanda na para sa pagsalubong at pagdating ni Hesus.

Ang bilis ng oras. Parang kailan lang nawala lahat. Parang kailan lang nalaman kong may sakit ako. Parang kailan lang minahal ako ni Xyran. Parang kailan lang masaya ako kasama siya. Walang iniintinding iba.

Pero ngayon. Ngayon ang katapusan ng lahat.

Sa totoo lang, tanggap ko na ang kapalaran ko. Pero ang hindi ko matanggap, yung maiiwan ko yung mahal kong umiiyak at nasasaktan dahil sa pagkawala ko.

Kung may himala lang sana pero alam kong napakaimposible na niyon. Ngayon pang nararamdaman ko nang konti na lang, mamatay na ako. Di man halata sa mukha ko dahil natatabunan ito ng make-up.Pero sa loob loob ko, hinang hina na ako.

Gabi na. Pero hanggang ngayon di ko parin siya nakikita. Nasaan na ba siya?

Alam kong pag di siya dumating, posibleng hindi ko na siya makita pa.

Lumipas ang mga oras at 15 minutes na lang, pasko na. Wala pa rin siya.

Xyran, tandaan mo, mahal na mahal kita Sa isip ko

Umiiyak na ako. Maabutan pa kaya niya akong humihinga?

Pumunta akong veranda. Umupo ako at tumingin sa langit.

Stars. Ang pinakapaborito kong bagay. Para kasi sa akin, sila yung gabay ko. At napakaganda nila. Kahit na siguro madilim ang mundo, nananatili pa rin silang nandiyan para magbigay liwanag sa tin.

Naramdaman kong may yumakap sa akin sa likod.

''Xyran'' isang pangalan ng taong may malaking epekto sa buhay ko.

''Oh'' sabay bigay sa akin ng isang napakalaking parol. Star. Umilaw ito. Ang ganda. Napakaliwanang. '' Diba ito yung paborito mo? Kaya ito, binili ko. Regalo ko sayo.''

Napangiti ako sa sinabi niya. Alam niya talaga ang mga gusto ko.

Kinuha ko yun at nilagay muli sa kamay niya. Kumunot naman ang noo niya.

''Simula ngayon, ikaw na ang nagmamay ari niyan. Alagaan mo yan ah at panatilihing maliwanag.'' sabi ko sa kanya na may ngiti sa labi. Pinilit kong ngumiti kahit parang namamanhid na yung buo kong katawan.

''Di ko na kailangan yan dahil yung pinakagusto kong star, nandito lang sa tabi ko. Siya yung nagbigay ng lakas sa akin nung kinakailangan ko yun. Siya yung nagligtas sa akin at gumabay. Siya yung nagturo sa akin tungkol sa kahalagahan ng buhay. Nakuha ko na siya, matagal na. Xyran, ikaw yung star ko.''dagdag ko pa.

''Bakit mo sinasabi sa akin yan, Xyra?'' tanong niya sa akin.

'' Alam mo naman di ba? Xyran, hindi ko na kaya eh. Hinang hina na ako. Gusto ko ng magpahinga. P-pero tandaan mo, mahal kita. Mahal na mahal kita, Xyran'' umiiyak na ako. Kailangan kong masabi ang lahat ng gusto kong sabihin sa kanya bago pa mahuli ang lahat.

''Hindi. Xyra, please huwag mong gawin to sa akin. Ayoko. Di ko kaya'' pakiusap niya.

''Sorry. Sorry kung di ko yan magagawa.Xyran, ngayon magiging masaya ako kung tatanggapin mo ito. Magiging masaya akong mamatay dahil ikaw yung huling taong nakita at nakasama ko. Sana maging masaya ka rin'' ngumiti ako sa kanya.

''Mahal din kita, Xyra. Ikaw lang ang baabeng minahal ko nang ganito. Higit pa sa buhay ko. Kahit masakit, tatanggapin ko dahil alam kong ito ang magpapasaya sayo'' lumuluha na siya. Ngumiti ulit ako sa kanya. Ang huli kong ngiti.

''Paalam na, my Christmas star'' tsaka ko siya hinalikan.

At kasabay ng pagpatak ng alas dose, naramdaman ko ang unti-unting pagdilim ng paligid, huling nakapaskil sa aking isipan ang mukha ng lalaking aking minamahal, lumuluha dahil sa paglisan ng babaeng minamahal.



Read my other stories here in Steemit

Disney Gangster SeriesOther Short Stories

Disney Gangsters - The Decision Maker

Love At Third Life

Disney Gangsters - The Seer

Paasa Lang Pala

Disney Gangsters - The Healer

Hindi Ako Paasa

Disney Gangsters - The Tracker

Loving Is Easy

Disney Gangsters - The Genesis

Trapped


Disney Gangsters - The Terminator

Stories About LifePoems

Bilanggo

Kahit Masakit Malaya Ka Na

When He Came To Us

Lasing

Literaturang-Filipino: Takipsilim at Bukang Liwayway