Poem: Ina
Madaling araw kung siya ay gumising,
Almusal ko kanyang ihahain.
Baon kong pananghalian kanyang babalutin,
Kasabay ang isang boteng tubig na aking iinumin.
Sa aking pag-alis siya ay magiging abala,
Maglilinis ng bahay, banyo at kusina.
Isang batyang labahin kanya namang asikasuhin,
Upang sa aking pagdating ako naman ang uunahin.
Pag-uwi ko ng bahay laging may matamis na halik galing sa kanya,
Masarap kong meryenda nakahain na sa mesa.
Bawat notebook ko ay kanyang titingnan,
At sa aking mga aralin ako ay tinutulungan.
Pagod at puyat hindi niya alintana,
Makita lang akong masaya sa kanya iyon ay sapat na.
Kahit na para sa kaniyang sarili ay wala na,
Maibigay lang ang aking pangangailangan iyon ang mahalaga.
Minsan sa gabi ako ay nagising,
Siya ay mala-anghel na natutulog ng mahimbing.
Sa Panginoon ang aking dasal at laging hiling,
Na sana mahaba pa ang mga taon na siya ay aking makapiling.
Alam kong hindi sapat ang pasasalamat,
Sa lahat ng kanyang pagod at puyat.
Ngunit sa aking puso labis akong natutuwa,
Sapagkat siya ang aking naging INA.