Kilos Kabataan Para sa Perlas ng Silangan (Tula Para sa Kabataang Pilipino)

in #poetry7 years ago


Image source

Sa pagtahip muli ng Hanging Amihan,
Mga dahon ng Narra’y nagdadausdusan
Sa maputik at malagkit na parang,
Ng bagong henerasyon ng bayan.

Paris sa matanda’t mahinang puno ng Narra,
Ang bansang Pilipinas ay uugod-ugod na.
Tila’ agilang kinakapos ng hininga,
Sa sanlaksang paghihirap at pagdurusa.

Sino? Kaninong kamay ang makakatulong sa’tin?
Sino? Kaninong palad ang gugulungan natin?
Sino? Kaninong mga mata ang gagamitin?
Sino? Kaninong puso ang susubukin at hihiramin?

Kabataang Pilipino ikaw ang susi,
Ika’y hindi lamat, ika’y hindi batik.
Binubuhay ka nang dugong malayo,
Na naglalakbay sa buo mong pagkatao .

Padampi-dampi man ang ating pakikipaglaban,
Paunti-unti man ang pakikipagbalitaktakan.
Sa huli’y tunay na mapapakinabangan,
Sa pagsulong at pag-usbong ng ating Bayan.

Kabataan ika’y magiging taga-puksa,
Ika’y magiging taenga’t mata.
Ikaw ang babago sa nakatiwangwang na masa,
Nang sa gayo’y ating makamtan ang tunay na umaga.

Kabataan, patutumbahin mo ang gahaman na buwaya,
Ililigpit mo ang kanilang mga dalang basura.
Itutumba mo ang sugal, sindikato’t droga,
Nang sa gayo’y maging Masaya si Inang Malaya.

Sa pagsikat muli ng araw sa Silangan,
Unti-unting nagkatagpi-tagpi ang pag-asa ng Bayan.
Ang bayang ating minahal at ipinaglaban,
Kaya kilos kabataan para sa perlas ng Silangan.

Makabayan ako! Taas noo sa pagiging Pilipino.


26730877_1903481429662604_2925395464382842214_n.jpg