Ang Mangangaral Sa Damasco

in #religion7 years ago

Kabanata 8

Kapag napatatag mo ang iyong relihiyon walang sinuman na hihigit pa sa iyo. Ito rin ang pamamaraan ng mga naunang mga hari at emperador. Pinaniwala nila ang mga tao na ang Diyos ang naglagay sa kanilang tungkulin kaya ang paglaban sa kanila ay paglaban sa Diyos. Ang paghihimagsik sa kanila ay paghihimagsik sa Diyos. Nanginginig sa takot ang mga tao na salingin ang kanilang mga hari dahil ang Diyos ang makakalaban nila. Epektibo ang pamamaraang ito sa lahat ng panahon ng kasaysayan. Nang sakupin ni Alexander the great ang Egipto ay ipina-deklara niya sa mga saserdote na siya ay diyos upang lalo niyang makontrol ang mga tao. Gamitin mo ang iyong mangangaral sa pagpapaliwanag sa mga miyembro ng samahan na ikaw ay sugong inihalal ng Diyos. Muling pagdugtong-dugtungin ang mga bawat kapirasong nakasulat sa sagradong aklat na magpapatunay na ikaw at ang iyong anak sa hinaharap ay ang mga sugong pinili ng Diyos na manguna sa kanyang bayan.
Magpatayo ka ng magagandang templo na higit sa anumang relihiyon. Maglagay ka ng paunti-unti sa mga barangay, bayan at siyudad hanggang sa mapuno mo ang buong bansa at buong sanlibutan. Ipatawag mo ang mga ito na bahay ng Diyos. Habang lumalaki at nagiging marangya ang mga pinagagawa mong mga dako ng sambahan ay lalong lalakas ang pasok ng salapi. Ang iyong mga disipulo ay lalong maniniwala na masinop mong pinangangasiwaan ang kanilang mga handog kaya kahit isusubo na lang ng kanilang mga nagugutom na mga anak ay ibibigay nila. Ihahandog nila ang lahat - salapi, lupa, bahay, at maging ang kanilang buhay. Masarap ang pakiramdam ng mga naloko mo na kahit mahihirap lang sila at halos wala ng makain ay walang problema sa kanila basta marinig lang nila na hinahangaan ng mga tao ang ganda at karangyaan ng kanilang templo at nalulugod ang Diyos. Kung pababayaan mong sira ang mga bahay sambahan ay babagsak ang iyong pinagkukunan ng salapi. Kung makita nila kung gaano ka karangya at ang iyong pamilya may mga magbabawas ng kanilang mga handog ngunit patuloy pa ring dadaloy sa iyo ang salapi mula sa mga walang alam, mahihirap na tamad mag-siyasat sa iyong mga aral at takbo ng iyong relihiyon. Lagi mong ibalita sa iyong mga miyembro ang mga tagumpay ng iyong relihiyon, ang pagdami ng inyong mga templo, miyembro, mangangaral at iba pa. -diyan sila kiliting-kiliti, diyan sila lalong magiging mga aktibo at panatiko. Huwag mong panghinayangan ang iyong gugugulin sa pagpapatayo ng mga templo at pagbili ng mga lupa. Sabihin mo sa mga miyembro na iyon ang kanilang magiging pinaka-santuaryo at sa kanila iyon ngunit ang kapangyarihan at kapasyahan na ang mga yaon ay isangla o ipagbili ay nasa iyong mga kamay at nasa kung sino man ang susunod sa iyo na manggagaling din sa iyong anak at kanyang magiging anak.
Sa kasaysayan, sa mga mahihirap at mangmang madaling makabuo ng masa. Higit mong pagtuunan ang mga mahihirap at mga walang pinag-aralan, sila ang madaling gaguhin, sila ang mga hindi mahilig magsiyasat, makitid lang ang kanilang tanaw. Ikintal mo sa isip nila na mayaman sila sa langit. Ang mga barya-barya mong makukuha sa kanila ay maliliit na mga patak ng tubig na makalilikha ng dagat sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na mga pagdalo nila sa pagsamba. Ang mahihirap ang madaling gawing mga utusan at alipin. Kahit may mga diperensiya sa pag-iisip ay kunin mo ring mga miyembro sapagkat may mga gamit din sila na hindi kayang gawin ng mga normal na pag-iisip na mga miyembro mo. Kaunting karunungan lang ang marinig nila ay hangang-hanga na ang mga iyan lalo na kung sila ay mapaiyak mo sa panahon ng mga pagsamba. Sasabihin nila na naranasan nila ang espiritu santo. Tuwang-tuwa ang mga disipulo mo pagkatapos ng bawat pagsamba, sasabihin nila na nakabiyaya sila ng espirituwal. Para ka ng nakakita ng tao na nabiktima na ng tulisan ay tuwang tuwa pa.
Upang maging lalong mabilis ang pagpapalawak mo ng iyong relihiyon ay magsanay ka ng mga tao na makakatulong mo. Nasa iyo kung ano ang itatawag mo sa kanila. Maaaring monghe, pari, pastor, ebanghelista, apostol, guro, ministro at kung ano pa man. Magtayo ka ng paaralan para sa kanila.Turuan mo silang mangaral. Mangasiwa ng mga tao. Sanayin mo silang mabuti. Isugo at italaga mo sila sa iba't- ibang lugar. Sa tulong nila, darating ang panahon lalawak ang relihiyon mo. Magsisimula ka sa isang unit o grupo ng mga disipulo, pagkatapos ay sa mga probinsiya na hanggang sa mapuno mo ang bansa ng mga templo mo.
Ang mga templong ito ang magiging pinaka-sangay ng negosyo mo. Dito idadaos ang kanilang mga pagsamba sa ipinakilala mo sa kanilang Diyos, sa lugar ding ito maghahandog sila ng mga salapi at aawit ng mga pagpupuri. Maglagay ka ng isang mangangaral na nakatalaga sa bawat templo na siya ang mangangasiwa ng mga pagsamba, pagpupulong at mang-aakit sa mga miyembro na lalo pa silang magbigay ng salapi dahil lalo silang uunlad, pagpapalain, magkakaroon ng mahabang buhay, makararating sa langit, hindi na dadalhin sa pinaka-mabigat na parusa at iba't-iba pang pang-palasing na turo sa kanila.Pagdating na panahon, lilitaw ang ibat ibang tungkulin. Punuin mo ang paligid mo na mga mahuhusay na tao ngunit tiyakin mong makokontrol mo ang kanilang kapangyarihan. Kumuha ka ng mga magiging katuwang mo na mahuhusay ngunit may mga nagawang imoral na mga bagay sa kasaysayan ng buhay nila upang sa ganoon ay mamalagi ang kanilang katapatan sa iyo. Humiwalay man sila sa iyo ay may pinanghahawakan kang mga alas. Hindi sila paniniwalaan ng mga disipulo mo.
Sa umpisa ay magaan mong pangunahan ang iyong mangangaral dahil kakaunti palang sila, habang dumarami sila ay huwag mo ng panghinayangan ang mga iyan dahil marami na ang maaaring pumalit sa kanila. Limitahan mong lagi ang kapangyarihan ng iyong mga mangangaral. Ibatay mo ang kanilang suweldo na tamang - tama lang sa kanilang pangangailangan sa ganito ay lagi silang nakadepende sa iyo. Ang isang isda na sadyang malaki, kapag inilagay sa isang limitadong sukat ng lalagyan at hanggang doon na lamang ang sukat niya hanggang sa siya ay mamatay doon. Sa iyong mga mangangaral ay may makukuha ka na mga matalino at mayaman ngunit ilagay mo sila sa isang limitadong sukat ng lalagyan na ang pakiramdam nila ay nasa dagat sila dahil naniniwala sila na sa pinaglagyan mo sa kanila ay naroon ang kanilang kaligtasan at buhay ng walang hanggan.
Huwag mong ipapaalam sa mga miembro mo kung magkano ang sweldo ng iyong mga mangangaral. Ilipat-lipat mo sila ng mga destino sa ibat ibang malayong lugar at bigyan mo sila ng bahagi sa gugol na kanilang ginamit sa paglalakbay. Kapag nagipit sa pera ang mga mangangaral mo ay mapipilitan silang magmolestiya at kapag nahayag sila ay alisan mo agad ng karapatan at makikita mo na magmamakaawa sila sa iyo na bumalik sa tungkulin sa ganito ay lubos mong mako-kontrol sila at mapapaniwala mo ang mga miyembro mo na hindi mo kinukunsinti ang iyong mga mangangaral. Mararamdaman ng iyong mga mangangaral na silang lahat ay nasa iyong palad. Hawak mo ang kanilang leeg. Ganito kaungas ang mga tao na nahaling sa kaligtasan, buhay na walang hanggan, sa sahod na ibinibigay mo sa kanila, sa walang bayad na bahay na kanilang tinitirhan at sa karangalang iniuukol sa kanila ng mga miyembro - sila ay magiging mga munting diyos sa bawat templong pinaglagyan mo sa kanila. Papayag yan na mura-murahin at suntukin basta makapamalagi lang sa tungkulin at makapanirahan sa isang perpektong siyudad sa langit. Alagaan mo silang mabuti at kontrolin dahil sila ang magiging malalakas na mga kubrador mo ng salapi. Isang malakas na makinarya upang ikalat sa mga tao ang matamis na lason na ikamamatay nila ng nakangiti. Ang iyong mga mangangaral ang mang-uuto sa mga miyembro na kanilang kinade-destinuhan.
Lagi mo silang didis-armahan upang mamalagi silang naka-depende sa iyo. Darating ang panahon ang pananampalatayang ipinangaral mo at makararating sa ibang bansa at magkakaroon ka ng mga disipulo doon. Uunlad at uunlad ang iyong relihiyon. Sa umpisa ng iyong pangangaral ay maglalakad ka at halos walang maibayad sa mga sasakyan ngunit darating ang panahon na hindi man ikaw, ang iyong anak o apo na mga hahalili sa iyo ay hindi lang makasasakay sa mga mamahaling mga sasakyan kundi makabibili pa ng mga pinaka-mataas na uri ng sasakyan. Magsisimula kang maninirahan sa isang tahanang gigiray-giray hanggang sa pagdating ng panahon ay sa isang palasyo ka mamamalagi. Lahat ng luho ng mga kagamitan na tinatamasa mo ay ipangalan mo sa relihiyon mo para isipin ng iyong mga alagad na sa kanila iyon at ipinagagamit sa iyo. Ganyan ang pamamaraan ng mga mahuhusay na mga negosyante, lahat ng gamit ay nakapangalan sa negosyo ngunit sila ang gumagamit sa gayun ay maka-iiwas sila sa pagbubuwis sa gobyerno. Ipangalan mo sa relihiyon ang lahat ng luho mo ngunit ikaw lang ang maykapangyarihang gumamit noon.

Sort:  

Congratulations @mwriter723! You have completed some achievement on Steemit and have been rewarded with new badge(s) :

You published 4 posts in one day

Click on any badge to view your own Board of Honor on SteemitBoard.
For more information about SteemitBoard, click here

If you no longer want to receive notifications, reply to this comment with the word STOP

By upvoting this notification, you can help all Steemit users. Learn how here!